___________________________________________________________________________________________________________________________________________________________

Wednesday, August 26, 2015

Qing Pasibayu

Dumating na siguro ako sa pagkakataon na kusa ko nang kinulong ang mga bagay na kumakawala sa isip ko. Ang dating mga sumasayaw na mga letra at umaawit na mga salita ay tumigil at nanatiling naghihintay kung  kailan uli sila mabubuhayan. Madalas hindi na kayang sagutin ang mga tanong mula sa kalooblooban na dati rati'y waring mainit na kapeng inaabagan sa tuwing sisikat ang araw.  Lahat ay nabigyan ng limitasyon simula nang makita ang halos kabuuan ng mundo. Mas naging makarealidad ang pagiisip na s'yang dahilan upang unti-uting iwasan ang kalaliman na mas maliwanag kesa sa kasalukuyan. Naging banta ang pagiging kakaiba upang iwangis ang sariling oras kapara sa iba hanggang sa nabuo ang barang nagpapatigil sa pagbalik. 

Tuluyang natangay ng malakas na hangin. Hinayaang madala ang bigat patungo sa lugar na ni sa panaginip ay 'di naisalarawan. Malakas ang bulong ng hangin, sa kalaliman ng gabi tago ang mga tala balot-balot ng mga ulap na mistulang mga matang lumuluha buhat ng matagal-tagal na hindi pagpaparamdam. Saksi ang katahimikan ng bundok sa pagharurot. Malayang nakalakbay na di sumapit ang mga paa sa daang inagos ng putik mula sa mataas na lugar na saluhan ng mga luhang matagal na hinintay.

Sa pagpapaalam sa kasalukuyan upang mag bigay daan sa paparating na araw, sa unang pagkakataon makalipas ang ilang oras mga paa'y umapak sa matigas na lupang kinukumutan ng mamasamasang damo na para bagang mga bangkang sabik sa madadaungan. Napagod, pinikit ang mga mata hanggang sa tuluyan ng kumawala. 




Pagkamulat'y naging saksi ang mga matang manghangmangha sa lugar na di na sakop na maaninag sa dilim nang dumating. Tahimik ang kabuuan at mapayapang nakasalangsalang ang mga bagay-bagay. Sabik sa ingay at mainit na pagkilala sa s'yang babalot sa nanlamig na kagandahan buhat ng sariwang hamog dala ng hanging mula sa pasipiko. 


Apanot, Rain, Gabrielle, Baron at Kirvy mga dinatnang kapwa ko ngunit magkaiba ang mundo. Kung gaano kaiksi ang oras na masusing inihahati-hati sa buong araw sa pang-araw araw s'yang haba ng sa kanila. Sa bawat pag iwas sa buhangin upang hindi madumihan ang suot na nagpapakilala kung ano ka sa mundong ginagalawan s'yang pagyakap nila sa buhanging mantel ng kanilang palaluran. Maraming tanong sa kanilang mga mata na s'yang dahilan upang mas maging kamanghamangha ang bawat titig na binabato mo sa kanila. Sariwa ang ang paligid kapara ng kanilang pag-iisip. 



Lawak ay walang hangganan. Paghampas ng tubig sa bato't buhangin sa may dalampasigan ay sinasabayan ng bulong ng hanging na tila may gustong sabihin. Magkaisa ang  tubig, ulap at hangin. Magkakaiba ma'y magkakasama. Alam ng tubig alat ang kaniyang hangganan at kalalima'y kontrolado ng layo tanda na bukas s'yang makipag-usap subalit sa kung ano lamang ang kaya ng sinumang magtangka. Nananatiling payapa ang kalooban sa ilalim ng ingay ng nagbabatuhang tubig at hangin. 


Patak ay may dalang hiwaga. Saksi ang uhaw na lalamunan sa dala-dalang guhit na susi sa mas makatotohanan. Init na dala’y hanap ng katawang nanlamig dala ng kasalukuyan. Mapaglarong lasa dala ng sariwang pinabayaan ay hanap ng dilang babad sa paulit-ulit na tamis, tabang, anghang at alat. 


Halong lamig at ligamgam ang tubig. Agos ay kasing bilis ng tinaling bayawak na nagmamadaling kumawala at nanitiling tahimik sa malawak na batuhan. Nagawang itago ang sarili malayo sa abot ng mainit na katawang uhaw sa lamig. Upang pagbigyan ang katulad, aalis hanggang sa makahanap ng panibagong kapayapaan. Paulit ulit ang sikolo patungo sa tinakdang maging kapalaran. Matuyo, mainom, masipsip ng lupang dadaanan o diliy maitaas ng hangin at init tungo sa itaas ay walang nakakaalam. Mananatiling misteryo ang lahat. 


Naging mailap ang pagbuo. Kakaunting ningas ay kusang tumaklob. Nanlamig na mga palad hanap ay init na kakausap sa kalaliman ng gabi ay pahirapan ang pagsungkit. Tuyong dahon ay sinindihan upang magbigay baga sa kahoy na magpapasiklab ng kakaibang liwanag. Init na magsisilbing tanglaw dala dala'y tengang handang makinig sa mga kwentong inihanda


Katahimika'y walang kaparis. Sabay-sabay mang humiling nariyan sya't handang umintindi.  Sa lugar kung saan katayuan ay walang sukat, laman ng bulsa ay walang halaga at pagpupuri ay sagana ay sadyang mapapatigil ka.

Kailan makakabalik? Kailan makakabawi sa sarili? Kailan muling sasayaw ang mga letra at makaka-awit ang mga salita? Kawangis ng mga dinatnan naway mga maiisip ay payapang masalangsang, maging sariwa ang mga ito at uhaw sa pagtuklas gaya ng sa mga musmos, kalalimay sana'y maging waring dagat na may dalang hiwaga kaparis ng tinungga, maging mabilis sa kinakailangang pagkakataon at maging mailap sa ibang mga panahon, upang gaya ng isang bahay dasalan maging handang makinig at magkaroon ng tunay na kapayapaan. 

Wednesday, May 6, 2015

Pabusten


Sa pag-dampi ng liwanag sa magkabuklos na katawan , dahan dahan kang bibitawan. Kasabay ng paglulam ng lamig, tila ako'y waring aninong hindi na maaninag sa dilim. Hayaan mo akong kontrolin damdaming hindi kayang magsinungaling. Pagkakataong dumating, pipilitin nang putulin. Kapwa gustong simulan. Kapwa takot sa pahihinatnan. Konseptong sinira ng karamihan. Magkasama sana nang buong papatunayan.

Subalit hanggang dito na lamang.